DOLORES, Quezon - Ginanap nitong Linggo ng gabi sa bayan ng Dolores, Quezon ang kanilang kauna-unahang “Paskutitap” o Pasko na Kumukutitap Lights Parade.
Isa ang tricycle sa pangunahing transportasyon sa Dolores kung kaya’t tampok sa parada ang mga tricycle at kuliglig na pinuno ng mga pamaskong palamuti.
Tunay na kumukutikutitap ang mga sasakyang kasama sa parada na nilagyan din ng mga Christmas lights.
Ang mga taong sumama sa parada ay nagdala ng kani-kaniyang pailaw.
Maraming residente ang nag-abang sa mga daanan upang mapanood ang parada. Lahat ay nag-enjoy sa kanilang napanood.
Rumampa rin ang mga kinatawan ng LGBT suot ang kanilang magarbong costume.
Ayon sa Dolores local government unit (LGU), ginawa nila ito upang magbigay ng kasiyahan sa mga residente at turista sa bayan.
Taon-taon na raw nila itong gagawin. —KG, GMA Integrated News