Hinatid na sa kanyang huling hantungan sa Rosario, Batangas ang singer na si Jovit Baldivino.
Sa ulat ni Paul Hernandez ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Miyerkoles, sinabing dumagsa ang mga kaibigan at tagahanga ng yumaong singer sa kanyang libing.
Si Jovit ang tinaguriang kauna-unahang grand winner ng “Pilipinas Got Talent.”
Emosyonal ang kanyang maybahay na si Camille Ann Miguel at hindi binitawan ang larawan ni Jovit.
Mula sa Dumaguete, tumulak naman mag-isa papuntang Batangas si Jobert Capuli, handler sa mga provincial tours ni Jovit, para masilayan ang kaibigan sa huling sandali.
“Mabait siya sa mga tao… parang hindi siya tunay na artista o ibang tao. Ayaw niya ng ganon, ayaw niya ng VIP,” ani Culi.
Suot ng mga kaibigan at kaanak ang puting t-shirt na may larawan ni Jovit na simbolo ng pagdadalamhati.
Pinadama ang init ng pakikiramay sa pamamagitan ng mga awit. Lumabas din ang kanyang mga taga-hanga sa kalsada para magbigay respeto sa kanilang idolo.
Hanggang sa misa, sinamahan si Jovit ng mga nakikiramay.
Malinaw sa alaala ni Norylyn Dacillo, naging guro ni Jovit, ang sigasig sa pag-aaral at ang talento ng singer bago pa ito sumikat.
“Sabi ko sa kanya, alam mo lahat ng kumakanta ng salmo sa sa simbahan nagiging matagumpay sa buhay at saka malay mo balang araw maging isa kang sikat na singer,” saad ni Dacillo.
Labis ang pasasalamat ng pamilya ni Jovit sa mga nagpakita ng pagmamahal kay Jovit.
“Nagpapasalamat din po ako sa kanila at kahit po maraming tao nakipagsiksikan pa sila para lang makita nila ang kanilang idol,” pahayag ni Christita, ina ng singer.
“Malungkot pero kailangan namin mag-move-on,” dagdag pa ni Gil, na kapatid ni Jovit.
Pumanaw sa edad na 29 si Jovit nitong December 9 ng madaling-araw.
Sa ibinahaging death certificate ng pamilya, lumalabas na acute cerebrovascular disease ang immediate cause ng pagkasawi ng singer. -- Mel Matthew Doctor/BAP, GMA Integrated News