Patay na nang makita sa isang talahiban ang isang 74-anyos na lola ilang linggo matapos siyang maiulat na nawawala.
Ang kaanak ng lola, nakikiusap na huwag ipakalat ng maling impormasyon ukol sa nangyari.
Sa ulat ni Claire Lacanilao ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing natagpuang ang bangkay ni Iluminada Masiglat sa isang talahiban sa Barangay Palisoc, Bautista sa Pangasinan.
Sinabi ng pulisya na nasa state of decomposition na ang labi nito at walang saplot na pang-ibaba nang matagpuan.
Ngunit lumalabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad na nasawi sa stroke si Masiglat.
“Nakausap na rin natin ang pamilya, kumbinsido naman sila sa imbestigasyon. At the same time may sakit din po kasi ‘yung tao na Alzheimer’s. Maaari kasing matanda na kasi ang biktima, kapag ganoon daw po palaging ihi ng ihi. Kaya that time siguro, noong pag-upo niya, pag-ihi niya, doon na po siya na-stroke,” ayon kay Police Lieutenant Jeremias Ramos Jr., deputy chief ng Bautista Police Station.
Ayon sa kaanak ni Masiglat, November 27 nang mawala ang lola at December 9 nang matagpuan ang kanyang bangkay.
Nanawagan din sila na huwag nang ikalat ang mga larawan ni Masiglat. Nilinaw din nila na hindi ginahasa ang lola.
“Kung anuman po ang nangyari pinagpapasa-Diyos na lang po namin lahat. Tapos kung maaari ‘yung mga nakapag-post po na dapat hindi na hindi na pinost noong araw na natagpuan siya kung ano ang itsura niya at nasaan man siya, kung pwede lang pa-disregard na lang, pa-delete ng post para din po matahimik na si lola,” saad ni Jashmin Gamotea.
Tukoy na rin umano pulisya ang nag-post ng mga larawan at nagpakalat maling impormasyon sa social media ukol kay Masiglat, ayon sa ulat. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA Integrated News