Nasawi ang isang tricycle driver matapos sumalpok sa delivery truck sa Mangaldan, Pangasinan. Ang biktima, dumiretso at nahulog pa raw sa kanal dahil sa lakas ng pagkakabangga.

Sa ulat ni Russel Simorio ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, makikita sa kuha ng CCTV camera ang delivery truck na dumadaan sa isang intersection sa Barangay Guilig.

Maya-maya pa, makikita rin ang biglaang pagsalpok ng isang tricycle sa gilid ng naturang truck.

Sa tindi ng pagkakabangga, halos bumaliktad ang tricycle. Hindi na nakita sa CCTV camera pero dumiretso at nahulog ang tricycle sa kanal.

“‘Yung ulo ang nauna saka nadaganan ng motor. Noong nakita namin na mamatay na, binuhat namin saka inilabas,” saad ni Edu Muyano, isa sa mga saksi sa insidente.

Sinubukan pa umanong dalhin ang driver ng tricycle pero idineklarang dead on arrival.

“Sadyang mabilis po nakita naman sa CCTV na talagang mabilis… siyempre intersection ‘yan eh. ‘Yung huli pong inahon ‘yung sasakyan para magkaroon po ng investigation. Tumulong naman ‘yung nakabangga, bumaba rin sila para tulungan ang tao, ayon kay Marlon Tibig, punong-kapitan ng barangay.

Ayon sa pamunuan ng barangay, itinuturing accident prone ang lugar. Gayunman, hindi naman daw sila nagkulang na paalalahanan na ang mga motorista na mag-ingat sa pagdaan sa naturang kalsada. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA Integrated News