Dalawang lalaking magpinsan na nakasakay sa motorsikolo ang nasawi matapos sila sumalpok sa likod ng nakahintong trailer truck sa gilid ng kalsada sa Calaca City, Batangas.
Sa ulat ni Denise Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, kinilala ang dalawang suspek na sina Kim Matthew De Sagun at ang pinsan niyang si Elvin De Sagun.
Nangyari ang aksidente sa bahagi ng national highway na sakop ng Barangay Lumbang Kalsada sa bayan ng Calaca sa Batangas.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sumalpok ang minamanehong motor ni Kim sa isang nakatigil na trailer truck sa gilid ng kalsada.
“Magpapahangin sila ng gulong, ‘yung truck. ‘Yung trailer na hindi pa nagtatagal pagkatigil nila nakarinig na lamang po ng kalabog sa likod,” ayon kay Calaca City Police Station chief Police Lieutenant Colonel Ruelito Fronda.
“Napansin na lang nila pagbaba nila may dalawang tao na ang nakahandusay sa likurang bahagi ng kanilang trailer truck,” dagdag pa niya.
Agad naman daw rumesponde ang mga awtoridad upang malapatan ng paunang lunas ang mga biktima at dinala rin sila sa pinakamalapit na ospital.
Pero idineklarang dead on arrival si Kim. Habang isinugod naman sa Batangas Regional Hospital si Elvin ngunit binawian na rin ng buhay kalaunan.
Labis ang paghihinagpis ng mga kaanak ng biktima sa nangyaring aksidente.
“Isa siya sa the best na kuya. Hindi man siya perpekto pero ginampanan, pinipilit niyang gampanan ang pagiging kuya sa amin. Most of the time nakikinig, ganoon siyang kuya,” ani JP, kapatid ni Elvin.
“Sa ngayon po na naririto siya, hindi po namin ramdam dahil nakikita pa namin. Hindi ko alam kung pag-alis kung ano ang mahihinatnan ng lungkot na ibinigay niya sa amin nang siya ay mawala,” dagdag pa ni Criselda, ina ni Kim.
Ayon naman sa pulisya, hindi na raw kakasuhan ang driver ng truck dahil nagkaroon na ng pag-uusap sa pagitan niya at pamilya ng mga biktima tungkol sa gastusing kakailanganin ng mga ito.
“Nagbigay na lang sila ng affidavit na magkakaroon na lang po sila ng kasunduan para maayos naman ang burol at kalagayan ng biktima,” saad ni Fronda.
Tanggap na rin daw ni Criselda ang nangyaring aksidente sa kanyang anak.
“Aksidente po wala pong ibang may sisihin. Sila po ang may kasalanan kaya po sumalpok sila doon sa truck na nakaparada,” aniya pa.
Sinusubukan pang kuhanan ng GMA News ng pahayag ang driver ng trailer truck ukol sa aksidente. -- Mel Matthew Doctor/BAP, GMA Integrated News