Mahigit P15 milyong investment money ang nakumpiska ng mga awtoridad sa sinalakay nilang kompanya na wala umanong lisensiya para mag-operate sa Zamboanga City. Ang nasa likod umano ng negosyo, sinasabing wanted sa Bacolod City dahil sangkot sa investment scam.
Sa ulat ni Krissa Dapitan sa GMA Regional TV News ngayong Miyerkules, sinabing sinalakay ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation Zamboanga (NBI), Securities and Exchange Commission (SEC), at kapulisan ang investment company na Silver Lion Livestock Trading sa Barangay Manikaan.
Ginawa ang pagsalakay matapos na makatanggap ng impormasyon ang awtoridad na nangangalap ng investment money ang kompanya kahit walang lisensiya mula sa SEC.
Naabutan pa ng mga operatiba ang mga tauhan ng kompanya na nagbibilang ng mga pera na halos umabot sa P15 milyon.
“Although ito ay lehitimong nakarehistro sa kanila pero the Silver Lion did not apply for secondary license. Secondary license is a mandatory process wherein bago ang investment company or financial institution makapag-solicit publicly ng funds for investment kailangan nilang mag-secured ng license,” saad ni NBI-WERMO regional director Moises Tamayo.
Ayon pa sa awtoridad, isang nagngangalang Ryan Laduing ang nakatalagang CEO sa trading business nito, na wanted umano sa Bacolod City dahil sa pagkakasangkot sa investment scam.
Lumalabas na lumipat umano si Laduing sa Zamboanga City at doon naman nagtayo ng panibagong investment company.
Noong nakaraang buwan lang umano nagsimula operasyon ng kompanya nito sa Zamboanga City. Ang mga maglalagak ng perang puhunan, pinapangakuan umano ng 35% na tubo sa loob lang ng 15 araw.
“Kukuha sila ng panibagong investor para bayaran ‘yung existing investor nila. Practically, ‘yung pagnanakaw kay Juan para maibayad kay Pedro,” paliwanag ni Tamayo.
“If you have any thoughts on investing, investigate before you invest. Actually, may check the setup na that is available for smart devices. You can download that. Tapos puwede niyong i-access website namin. Pwede niyong tingnan kung ano ang mga advisories,” payo naman ni SEC-Zamboanga director Atty. Jesus Uro.
Patuloy na hinahanap ng mga awtoridad si Laduing na nakatangay umano ng ng P30 milyon mula sa mga investor.
Nasa kostudiya naman ng NBI ang siyam na kawani ng kompanya na naaresto sa operasyon.
Nananawagan din ang NBI sa iba pang nabiktima ng kompanya na maghain ng reklamo sa kanilang tanggapan.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News