Planado ang naging pagtangay ng isang kawatan sa P800,000 halaga ng mga alahas mula sa hindi nakakandadong estante ng isang jewelry stall sa Lapu-lapu City, Cebu.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak, na iniulat din sa GMA News Feed, mapapanood ang isa sa mga suspek na sinisipat ang mga naka-display na alahas.
Kasabwat din nila ang isa pang lalaking nakasuot ng pula na tila may kausap sa telepono, at ang dalawang babaeng umaali-aligid at nagsilbing lookout.
Modus nila na kunwaring bibili ang isa sa kanilang kasabwat.
Nang maging abala ang tindera, dito na pasimpleng pinagkukuha ng isang lalaking salarin ang mga alahas.
"Mayroong isang lalaki, minove niya 'yung isang estante nila para makuha... para maipasok niya 'yung kamay niya roon sa loob ng lalagyan ng alahas. Based du'n sa interview namin sa kanila, hindi na-lock 'yung part na 'yun ng lalagyan ng jewelry," sabi ni Police Major Karen Bancoleta, hepe ng Station 4 LLCPO.
Matapos makuha ang mga alahas, isa-isa nang nagsialisan ang mga lookout, pati ang lalaking dumukot sa mga alahas.
Naglakad naman palayo na tila walang nangyari ang nagpanggap na customer.
Inilabas na ng pulisya ang litrato ng mga salarin, at inaalam na ang kanilang pagkakakilanlan para masampahan ng kaukulang kaso.
Nanawagan din ang pulisya sa mga may kilala sa mga suspek na makipag-ugnayan sa mga awtoridad. —Jamil Santos/KG, GMA Integrated News