Lima katao ang nasawi, at dalawa pa ang sugatan nang masunog ang umano'y ilegal na pagawaan ng paputok sa Calamba City, Laguna nitong Biyernes.
Ayon kay Calamba City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) chief Noriel Habaña, dakong 10:00 am nang sumiklab ang sunog sa isang bahay sa residential area sa Barangay Canlubang.
Sa paunang imbestigasyon, nakarinig umano ng pagsabog ang mga residente mula sa nasunog na bahay.
Apat na bahay ang nadamay sa insidente.
“Initially, ang report may sumabog at ito nga po napag-alaman na may mga ginagawang paputok. 'Di pa po namin masabi kung gaano kalaki ang impact dahil ongoing pa ang investigation,” ayon kay Habaña sa panayam ng dzBB’s Super Radyo.
Hindi rin umano residente sa lungsod ang ilang biktima sa pagawaan ng paputok.
Inaalam pa ang mga awtoridad kung sino ang may-ari ng bahay at nag-o-operate sa pagawaan.
Idineklarang kontrolado na ang sunod pagsapit ng tanghali.
Sa hiwalay ng ulat ng GMA News "24 Oras," sinabi ni Calamba City Roseller Rizal, itinago umano sa looban ng mga kabahayan ang pagawaan, at mga kapitbahay lang ang nakakaalam.
Nito raw nakaraang Mayo nagsimula ang operasyon ng pagawaan ng paputok sa lugar, at pawang taga-Albay ang mga nasawing biktima, ayon sa ulat.
Nangako ang alkalde na pananagutin ang nasa likod ng naturang pagawaan ng paputok .—FRJ, GMA Integrated News