Patay ang drayber ng mag-asawang negosyante matapos silang tambangan sa loob ng sasakyan sa Concepcion, Tarlac. Ang isang biktima, nakipag-agawan ng baril sa hitman.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, kinilala ang nasawing biktima na si Marcel Jordan Clanov.
Sa kuha ng CCTV camera, nakita sa video ang biglang pagsulpot ng hitman at pinagbabaril ang sasakyan ng mga biktima noong gabi ng November 13.
Nang tumigil ang sasakyan matapos matamaan ng bala ang driver, binuksan pa ng hitman ang pintuan sa passenger side at doon na nanlaban at nakipag-agawan sa baril ang lalaking negosyante.
Pero nakaalpas ang hitman at muling kinalabit ang baril na mabuting hindi pumutok dahil nahulog pala ang "magazine" o lalagyan ng bala sa kanilang agawan.
Dito na tumakas ang salarin at iniwan na ang mag-asawang negosyante na mula sa Pampanga na parehong nakaligtas.
“Ang plano siguro nu’ng gunman is pi-finish-in pa [ang mga biktima]. Nagkaroon ng commotion, nakipag-agawan siya dun sa baril. Nalaglag ‘yung magazine ‘yung baril na ginamit,” pahayag ni Concepcion Police chief Police Lieutenant Colonel Noriel Romba.
Posible umanong marami pa ang nangyari kung hindi nalaglag ang magazine ng baril.
Mayroon na umanong tinutukang anggulo ang pulisya kung sino ang maaaring nasa likod ng pananambang.
Lumalabas din sa imbestigasyon na posibleng may kinalaman sa negosyo ang motibo sa pamamaril.
Ayon sa mga awtoridad, 2020 nang pasukin ng mag-asawa ang pagbebenta ng motorcycle parts and accessories at naungusan daw ng mga ito ang kanilang mga kakompetensya nang lumago ang negosyo noong 2021.
“Sa person of interest po kasi, galing po sa kanila mismo kung sino ‘yung suspek nila. Dahil sa pananalita nila, matagal ng may sama ng loob kasi ‘pag tinitira sila maging sa social media,” saad ni Romba.
Samantala, naiuwi na sa Quezon ang mga labi ng nasawing driver na mayroong dalawang anak na mga bata pa.
“Gusto ko, ganu’n din mangyari sa kanila eh. Maramdaman din ng pamilya nila ‘yung sakit. Hindi ‘yung ako lang. Iba ‘yung makukulong parang hindi ako makuntento sa ganu’n,” saad ng kaanak ng biktima.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News