Naging matumal ang bentahan ng pork products sa ilang tindahan sa Iloilo City dahil sa epekto umano ng African Swine Fever (ASF).

Sa ulat ni John Sala ng GMA Regional TV One Western Visayas nitong Huwebes, sinabing naobserbahan ni Clarisa Barrio na wala nang masyadong bumibili ng binebenta niyang pizza na may sahog na karne ng baboy.

Mas mabenta rin daw ang lechon manok kung ikukumpara sa pork liempo. At kung may bibili man daw ng liempo, tinatanong umano ng mga bibili kung saan nanggaling ang baboy.

Sa mga nagbebenta naman ng siomai, wala na umanong supply para makagawa ng pork siomai at siopao.

“Nu’ng nagkasakit daw sa baboy hindi na sila nagpadala dito ng pork. And then until now, naghintay kami, wala pa rin eh,” saad ni Raymond Galendez, nagbebenta ng siomai.

Ayon sa mga awtoridad, walang direktang epekto sa kalusugan ng tao ang ASF ngunit posibleng maging carrier ng sakit at maaaring maipasa sa mga baboy.

Samantala, kinumpira naman ng mga opisyal ng Barangay Kalubihan sa Jaro, Iloilo City na may tatlong baboy sa lugar nila ang namatay.

Sinabi ni Barangay Chairman Rodney Guintibano na masigla pa ang mga baboy na pagmamay-ari ng isang barangay kagawad ngunit natagpuan na lang ang mga ito na wala nang buhay noong nakaraang linggo.

Ayon sa Iloilo Agriculturist Office, hindi nakitaan ng sintomas ng ASF ang mga namatay na baboy pero may mga sintomas daw ang mga ito ng respiratory illness.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News