Patay ang isang sundalo at apat pa ang sugatan sa pamamaril sa loob ng bar sa Bacolod City. Ang suspek, nagalit umano matapos hindi na payagang umorder ng alak dahil magsasara na ang establisimyento.
Sa ulat ni Adrian Prietos ng GMA Regional TV One Western Visayas nitong Huwebes, kinilala ang 26-anyos na biktima na si Private 1st Class Edmark Iwayan.
Nangyari ang pamamaril sa loob ng isang bar na pagmamay-ari ng retiradong miyembro ng Philippine Army na si Joebert Visem.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, pasado 1 a.m. ng Miyerkules, nang pumasok sa bar ang grupo ng suspek na kinilalang si Ulysis Carampatana.
Nagalit umano si Carampatana matapos hindi payagan ni Visem na umorder ng alak dahil magsasara na ang bar.
Bigla umanong nagpaputok ng 9.mm na baril ang suspek, gumanti rin ng putok ang grupo nila Vicem.
Ayon sa pulisya, nagtamo ng walong tama ng bala sa katawan si Iwayan na naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.
Sugatan naman si Private 1st class Joebert Villagracia at Visem, habang may tama din ng bala si Carampatana at kasamahan nitong si John Joseph Magahum.
Si Iwayan at Villagracia ay nakatalaga sa 94th Infantry Division at kabilang sa augmentation force ng Philippine Army, ayon sa ulat.
Napag-alaman naman na nagtatrabaho sa isang accounting department si Carampatana.
Sinabi ng mga awtoridad na posibleng nakainom na ang suspek bago pa pumasok sa bar kaya namaril ng hindi payagang mag-order ng alak.
Samantala, sira naman ang CCTV ng bar kaya hindi pa matukoy ng pulisya kung sino ang iba pang kasamahan ni Carampatana at kung sino pa ang ibang nagpaputok ng baril.
Nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon sa insidente.
Wala pang nilalabas na pahayag ang Philippine Army sa nangyari. Hindi rin nakuhanan ng pahayag ang mga sangkot sa insidente dahil patuloy pa silang nagpapagaling sa ospital.--Mel Matthew Doctor/FRJ,GMA Integrated News