Huli sa isang video ang pagnanakaw ng ilang menor de edad ng wire na nakakabit sa poste sa Daet, Camarines Norte.

Iniulat ng GMA Regional TV nitong Miyerkoles na makikita sa video ang mga menor de edad na umaakyat sa poste pasado 3 a.m. sa Barangay 1.

Maya-maya pa, sinusubukan na ng mga ito na hilahin ang wire.

Ayon sa mga residente ng barangay, madalas na nawawalan ng gamit ang ilang kabahayan sa kanilang lugar.

Kinumpirma naman ito ni Barangay 1 Kagawad Neil Young Que at pinaniniwalaan na ang naturang mga menor de edad ang nasa likod ng nakawan. 

Mas papaigtingin pa raw ng mga awtoridad ang pagbabantay sa lugar.  — Mel Matthew Doctor/VBL, GMA Integrated News