Sinuspinde ang isang konduktor ng bus matapos niyang labis na bawasan umano ang sukli ng isang estudyante na nagbayad ng P500 sa Iloilo.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas, na iniulat din ng GMA News Feed, sinabing sumakay ng bus ang estudyanteng si Lizavel Balbino sa Anilao, Iloilo at patungo sa bayan ng Ajuy.
Sa video na kaniyang kuha, mapapanood ang kaniyang pag-iyak habang nakikiusap na makuha niya ang sukli mula sa konduktor.
Halagang P70 lang ang pamasahe ni Balbino ngunit P500 ang ibinayad niya.
Gayunman, P30 lang ang isinukli sa kaniya ng konduktor, na nagpupumilit namang P100 lang ang kaniyang iniabot.
Hanggang sa mamagitan na ang isang pasahero, na sinabing nakita niyang P500 ang inabot ni Balbino.
Hindi nagpatinag dito ang konduktor.
"Hindi ka sa akin nagbigay ng P500," giit ng konduktor.
"P500 ang binigay ko kuya. May nakakita. Huwag ka magsinungaling," sabi ni Balbino sa konduktor.
"Ikaw ang huwag magsinungaling. Dinadaan mo lang ako sa paiyak-iyak mo," sagot sa kaniya ng konduktor.
Ayon kay Balbino, allowance niya ang ibinayad niya sa bus kaya malaki ang mawawala sa kaniya kung hindi niya makukuha ang buong sukli.
Gagamitin sana ito ni Balbino sa kaniyang thesis at OJT.
Maya-maya pa, isang pasahero ang naawa sa estudyante kaya binigyan siya ng P500.
Itutuloy ni Balbino ang reklamo sa konduktor.
Nakarating na sa pamunuan ng bus ang nangyari, at sinuspinde na ang konduktor habang gumugulong ang imbestigasyon.
Humingi rin ng paumanhin ang pamunuan ng bus company, na sinabing dapat umasal ang konduktor base sa natutunan niya sa seminar sa maayos na passenger handling.
Plano rin ng bus company na pagharapin ang estudyante at konduktor.
Hindi pa rin nagbibigay ng pahayag ang inirereklamong konduktor. — VBL, GMA Integrated News