Nakaligtas ang isang lalaki mula sa pagkakaipit nang maatrasan ng isang truck ang mga nakaparadang pickup truck at patrol car sa tapat ng presinto sa Cagayan de Oro City.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Mindanao, na iniulat din sa Saksi, makikita sa video ang biglang pagsulpot ng truck at naatrasan nito ang dalawang sasakyan.

Nasa likod noon ng mga sasakyan ang lalaki pero hindi siya nasaktan.

Kulong ang truck driver na lubos na humingi ng tawad sa insidente.

Ayon sa imbestigasyon, bibili ng pagkain ang driver kaya ipinarada niya ang truck, pero pababa ang lugar na hinintuan ng truck.

Natanggal ang batong ginamit na pangkalso sa gulong kaya napaatras ang truck. —Jamil Santos/LBG, GMA Integrated News