Napaanak ang isang misis sa loob mismo ng ambulansya ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) of Numancia, Aklan habang nasa daan papunta sa ospital sa bayan ng Kalibo.
Sa ulat ni Ava Marie Moises ng Super Radyo Kalibo, sinabi umano ni nurse Clark Nadal Tarantan, emergency responder ng MDRRMO Numancia, na nangyari ang insidente bandang alas-dose ng tanghali noong Huwebes.
Nakatanggap umano sila ng tawag mula sa pimilya ng misis na nanghingi ng tulong upang madala ang manganganak na misis sa pinakamalapit na ospital dahil nakakaramdam na ng labor contraction.
Nagpadala ng ambulansya ang ospital at habang nasa highway ay lumalabas na umano ang ulo ng bata, at ilang segundo pa ay tuluyan nang nanganak ang misis.
Ginang, napaanak sa loob ng ambulansiya papuntang ospital sa Kalibo, Aklan. | via Ava Marie Moises, Super Radyo Kalibo pic.twitter.com/DoowO87WtQ
— DZBB Super Radyo (@dzbb) November 11, 2022
Mismong si nurse Tarantan ang nakasalo sa bata gamit ang kumot na kanilang dala. Doon na sa ospital pinutol ang pusod ng bata.
Ayon kay Tarantan, hindi sila nahirapan sa pagpaanak sa 33-anyos na misis sa loob ng ambulansya dahil ika-limang panganganak na umano ito ng misis.
Laking pasalamant naman umano ng pamilya sa pagtulong ng ospital. —LBG, GMA Integrated News