Nasawi ang isang lalaki matapos sumalpok ang minamaneho niyang tricycle sa poste ng traffic sign sa Dagupan City, Pangasinan.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, makikita sa kuha ng CCTV camera sa Barangay Bonuan Gueset, na walang masyadong sasakyan na dumadaan sa naturang bahagi ng kalsada.

Pero maya-maya lang, isang pagewang-gewang na tricycle ang dumating at tuluyang bumangga sa poste ng traffic sign.

Hindi nakita sa camera pero tumilapon umano ang driver ng tricycle at tumama sa pader.

Dinala ang biktima sa pagamutan pero idineklara umanong dead on arrival.

Ayon sa chief tanod ng barangay na si Richard Ibasan, mabilis ang takbo ng tricycle at pakurba ang kalsada kaya maaaring hindi na nakontrol ng driver ang kaniyang sasakyan.

Nakainom din umano ng alak ang biktima, na kinumpirma naman ng kaniyang mga kaanak na tumanggi nang humarap sa camera.

Paalala ni Ibasan sa mga motorsita, laging mag-ingat at huwag nang magmaneho kung nakainom para makaiwas sa sakuna.--FRJ, GMA Integrated News