Patay ang isang babae, habang sugatan ang kaniyang ka-live in matapos umano silang pagtatagain at paputukan pa ng dinamita ng kanilang manugang sa Mariveles, Bataan.
Sa ulan ni CJ Torrida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, kinilala ang nasawing biktima na si Lorna Macayan, ng Sitio Pitas Island sa Barangay Ipag.
Sugatan naman ang kinakasama niyang si Jonathan Mahinay, na nagkuwento ng pangyayari.
Ayon kay Mahinay, nagpapahiga sila ni Macayan nang bigla umano silang sunggaban ng kanilang manugang na suspek na si Toto Katunda.
“Akala ko po pinala lang po ako. ‘Yun pala itak na pala. Nagyakapan po muna kami. Nanghihina na po ako dahil sirit-sirit na ang dugo. Humingi na po ng saklolo,” ani Mahinay.
Sinabi ni Barangay Chairman Rubito Loyo, na nauna nang pumunta ang mga biktima at suspek sa barangay dahil sa alitan ng pamilya. Pinayuhan umano ang tatlo na magkasundo na lang.
Batay sa impormasyon ng pulisya, nasa impluwensiya ng alak ang suspek nang isagawa ang krimen.
“Lasing na lasing siya, nagtatakbo siya. Kinuha naman ‘yung improvised dynamite, pinaputok niya, katabi niya itong biyenan niyang babae kaya ‘yung ang napuruhan,” pahayag ni Mariveles Police Station chief Police Lieutenant Colonel Emelito Dela Cruz.
Sa sobrang lakas ng pagsabog, namatay si Macayan habang sugatan naman ang suspek.
“Iyong biyenan na lalaki, out-patient naman dahil hindi naman ganoon ka-severe ‘yung head injury tapos dumating na rin ‘yung anak. Siya na rin ang nag-file ng kaso sa pagkamatay ng kanyang nanay,” saad ni Dela Cruz.
Ayon sa anak ni Macayan, “Talagang parang massacre na po ang nangyari. Sana po masunod ang batas. Pagbayaran niya po ang karumal-dumal na pagpaslang sa mama ko.”
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang suspek, ayon sa ulat.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA News