Ipinasara ng lokal na pamahalaan ng Baguio City ang Igorot Stone Kingdom na kilalang tourist attraction sa lungsod. Ang nasabing pasyalan, may issue umano sa permit at safety.
Sa ulat sa GMA News “Unang Balita” nitong Huwebes, sinabing ipinasara ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang lugar dahil hindi umano sakop ng building permit ang stone structures nito kaya walang katiyakan sa structural integrity.
Batay rin sa ginawang climate risk and vulnerability assessment ng LGU sa lugar, nasa "very high landslide exposure" umano ang istruktura.
Idineklara rin ng Mines Geosciences and Bureau (MGB) ang lugar na "prone to erosion."
Nitong Lunes, kinasuhan ng lokal na pamahalaan ang pamunuan ng establisyemento dahil sa paglabag umano sa national building code.
Sinusubukan pa ng GMA News na kuhanan ng pahayag ang pamunuan ng Igorot Stone Kingdom.--Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News