Drive-through na lang ang renewal ng rehistro ng sasakyan sa ilang bayan sa Camarines Sur.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes, sinabi ng Land Transportation Office (LTO) district office na paraan daw ito upang mapabilis ang proseso ng registration renewal sa gitna ng pandemic.
Sa ulat ni Vonne Aquino, sinabing sa Pamplona, Camarines Sur LTO district office, at pati sa extension office nito sa bayan ng Pili, drive-thru na ang renewal.
Sinabi ni Atty. Alex Abaton, special legal assistant to the office of Asec. LTO: "The concept itself is it is more convenient and at the same time it's for the comfort of the motorists."
Dagdag ni Abaton, kayang gawin ang renewal ng motor vehicle sa loob ng 17 minutes, at ang para sa motorcycle ay magagawa ng 12 minutes.
Tulad din ng regular renewal, mayroon na rin daw itong emission testing, visual inspection, registration processing, payment at releasing, dagdag ng ulat.
Dati na rin umanong nagkaroon ng drive-thru registration renewal sa Pasay City sa kasagsagan ng pandemic noong May 2021. Nahinto ito dahil sa dami ng pumipila at hindi sapat ang espasyo.
Puwede umano itong gawin sa iba't ibang bahagi ng bansa basta't may sapat na espasyo.
Pabor naman ang ilang mga nakapanayam na motorista sa drive-thru renewal kasi makaka-save ng time at effort. —LBG, GMA Integrated News