Natagpuan ng isang diver ang putol-putol na bahagi ng katawan ng dolphin at blue marlin sa ilalim ng dagat sa San Juan, Batangas. Ang diver, nakarinig pa umano ng pagsabog sa ilalim ng dagat.
Sa ulat ni Andrew Bernardo sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Martes, sinabing maituturing na bangungot para sa 55-anyos na si Penn De Los Santos nang may makita siyang parte ng katawan ng dolphin at blue marlin noong October 27.
“Malungkot siyempre. Muntikan na akong maiyak dito sa dolphin tale. I love dolphins. Muntikan na akong mapaiyak. Hindi siya magaan sa kalooban. You see dolphin cut-up like this. Whales cut-up like this, mabigat sa puso,” ani De Los Santos.
Ayon sa diver, inihaon pa niya ang bahagi ng dolphin at base umano sa nakitang dugo sa parte ng katawan, mukhang bago pa lang ang pangyayari.
Bukod pa sa mga nakitang parte ng blue marlin at dolphin, nakarinig din umano si Penn ng pagsabog sa ilalim ng dagat.
“Apparently, naririnig niya rin ang putok ng dynamite. Pagbaba ko may narinig na ako. Hindi ko naisip agad na dynamite,” aniya.
I-pinost ni De Los Santos sa ang mga larawan at pangyayari sa social media. Umani ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizens.
“Ang gusto kong mangyari dito ay mas maging aware ang maraming tao na mayroon tayong mga ganitong treasures na dapat hindi nakakatay na ganito,” dadgad pa niya.
Sa bisa ng RA 8550 at RA 10654 mahigpit na ipinagbabawal ng batas ang panghuhuli at pagpatay sa mga endangered mammal gaya ng dolphins.
“Ang tiyak na nakahuli nito eh ‘yung magta-tambakol, wala akong mai-point kung sino. Isolated case lang ito, ang gusto ko huwag na itong mangyari ulit, saan man nanggagaling o kung sino man ang may kagagawan nito,” pahayag ni Bantay-dagat San Juan head Bhong Alasas.
Aminado naman ang Bantay-dagat na maaaring magkaroon ng negatibong epekto ang pangyayari sa turismo ng San Juan.
“Nag-trending ‘yan eh, isa ito sa makakasira sa aming turismo. Alam mo ang mga endangered species na ‘yan, kasi ‘yan ang isa sa humihikayat sa mga turismo lalo kapag ang mga ‘yan ay lumalapit sa mga coastal, lalo kapag ang mga ‘yan ay lumalapit sa mga coastal, lalo ang ganyang dolphin mababait ‘yan, eh kung mangyayari ulit ‘yan, talagang hindi maganda ang implication sa turismo,” ani Alasas.
Samantala, hindi naman itinanggi ng Bantay-dagat na may nangyayaring ilegal na pangingisda sa karagatan. Pero mariing itinanggi nito na sakop ito ng San Juan.
“Panawagan ko po sa LGU, lalo sa Department of Agriculture, regarding sa dynamite fishing sa lawak, beyond 15 kms up, masuportahan kami ng National kung ano ang pwedeng equipment ang gamitin namin para mawasak ‘yang mga dynamite fishing na ‘yan,” sambit ni Alasas.
Samantala, hangad ni De Los Santos na huwag nang maulit ang nangyari alang-alang sa kalikasan.
Siniguro naman ng Bantay-dagat na mas paiigtingin ang pagbabantay sa kanilang karagatan para mapangalagaan ang mga endangered species.
Sinisikap pa ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog na kuhanan ng pahayag ang alkalde at tourism officer ng San Juan. —Mel Matthew Doctor/NB, GMA News