Napurnada ang tangkang pagpatay ng umano’y hitman sa isang lalaki sa Rizal dahil umabot ang habulan nila sa tapat ng police station. Ang kontrata umano sa hitman, P7,000.
Sa ekslusibong ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes, nakita sa CCTV footage ang habulan sa kalye ng biktima at suspek sa tapat ng Rizal Provincial Jail Office ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group sa Antipolo City.
Ang biktimang si Alfredo Badloza, nagawa pang makatakbo kahit tinamaan na ng bala mula sa baril ng suspek na si Richard Lumbab.
Bago matuluyan ang biktima, isang pulis ang lumabas mula sa police station at saka tinutukan ng baril si Lumbab na mabilis na tumakbo.
Dinala sa ospital ang sugatan na si Badloza, habang naaresto naman kaagad ng mga awtoridad ang suspek.
“Medyo lumihis ang tama. Pinagbabaril na ako, limang putok. Dumapa ako pero sapul pa rin,” ani Badloza.
Nakuha sa suspek ang isang caliber .38 na baril, mga bala, kutsilyo at cellphone.
Ayon sa CIDG, hindi simpleng shooting incident ang nangyari dahil nakita sa cellphone ng suspek na may kontrata ito na patayin ang biktima na isang sapatero at nagpapatakbo rin ng pasugalan.
“Gun-for-hire kasi itong tao. Nang ma-confiscate natin ang cellphone niya, doon natin nakita mayroon talagang man behind him. Kasama natin ang Antipolo Police Station, nag-conduct tayo ng follow-up operation dito sa mastermind. Hindi na lang natin siya inabutan,” saad ni CIDG Rizal provincial officer Police Major Leopoldo Cajipe Jr.
Batay sa imbestigasyon, P7,000 ang pangako ng mastermind kay Lumbab para itumba si Badloza.
Ayon sa suspek, hindi pa niya nakukuha ang P7,000. Sinabihan din umano siya na maraming kasalanan ang taong papatayin niya gaya ng pagnanakaw.
Sinabi ni Cajipe na lumalabas na pang-apat na trabaho na ng suspek ang nakaligtas na biktima na P7,000 ang kada kontrata.
"Ganoon kaliit kaya niyang pumatay,” anang opisyal.
Umamin din umano sa mga awtoridad si Lumbab na pinsan niya ang nagpatumba kay Badloza dahil sa hidwaan sa pinapatakbo nilang ilegal na sugalan.
Kasama na rin kinasuhan sa nangyaring insidente ang sinasabing mastermind na nakilala lamang sa sa alyas “Jojo.” --Mel Matthew Doctor/FRJ, GMA Integrated News