Isang tripulante ang nasawi, habang lima naman ang nasagip nang sumadsad ang cargo vessel na may kargang mga buhangin sa Botolan, Zambales.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Biyernes, sinabing nangyari sa insidente sa bahagi ng Barangay Banga.
Makikita sa video ang paghampas ng malalakas na alon sa cargo vessel. Pero bago pa man dumating ang mga rescuer, mayroon nang tripulante na tumalon sa dagat para makarating sa pampang.
Ayon sa Philippine Coast Guard, hinahatak na ng tug boat ang barge papalayo sa baybay pero naputol ang tali dahil sa lakas ng alon at hangin.
Inabot umano ng 12 oras bago nakita ang katawan ng biktimang nasawi na pinaniniwalaang nalunod.
Ayon pa sa PCG, may kargang mga buhangin ang barge na patungong Maynila at Palawan. Naghihintay na lang umano ito ng karagdagang suplay ng langis at clearance sa paglalayag nang abutan ng malaking alon.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.--FRJ, GMA Integrated News