Nasunog ang isang bodega sa Kawit, Cavite at nahirapan umano ang mga bumbero sa pag-apula ng apoy dahil sa mga nakaimbak na damit, bisikleta at gulong na madaling masunog.
Iniulat sa Unang Bakita ni Darlene Cay nitong Biyernes na natupok ng apoy ang warehouse matapos ang mahigit pitong oras na operasyon ng mga bumbero.
Nilamon ng malaking apoy ang bodega sa Barangay Magdalo Buto mag-aalas dies nitong Huwebes ng gabi, ayon sa ulat.
Halos wala na umanong natira sa gusali na ginawang warehouse ng iba't ibang mga produkto gaya ng mga damit at bisikleta.
Umabot sa ikalawang alarma ang sunog na nahirapan ang mga bumbero na apulahin dahil madaling masunog ang mga lamang nakaimbak.
Walang naapektuhang ibang istraktura at mga bahay ang sunog at wala din umanong naiulat na nasaktan.
Iniimbestigahan pa ang sanhi ng sunog. —LBG, GMA Integrated News