Sampu katao ang sugatan matapos sumabog ang pagawaan ng paputok na nasa residential area sa Barangay Pulong Buhangin sa Santa Maria, Bulacan.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ng isang residente na dalawa umano sa pagsabog ang mayroong malakas na "shockwave."

Sa mga nasugatan, isa ang nagtamo ng third degree burn sa buong katawan.

Napinsala naman ang ilang bahay sa lugar, at naapektuhan ang klase sa isang paaralan.

Gawaan umano ng paputok at imbakan ng mga sangkap sa paggawa ng paputok ang compound na pinangyarihan ng pagsabog.

Sa hiwalay na panayam sa Super Radyo dzBB, sinabi ni Bureau of Fire Protection-Region 3 public information officer Fire Captain Arvin Catipon, na lumilitaw sa paunang imbestigasyon na hinihinalang nagsimula ang sunog sa nagbabarena sa lugar.

“Sa initial investigation natin ay isa sa trabahador ay nagbabarena sa area at nag-cause ng spark. Tapos nataranta ata siya kaya naitapon mismo ang drill doon kung nasaan nakalagay 'yung mga paputok,” ani Catipon.

Sa ulat ng "24 Oras," sinabi ng isang trabahador sa pagawaan na si Teofila Horfilla, na nagsisimula pa lang siyang magkarga ng pulbura sa ginagawang 3-star na paputok nang makarinig sila ng pagsabog sa ibabang bahagi ng compound, at kaagad na silang tumakbo.

Nagmula raw ang pagsabog sa mga nagkakarga ng kuwitis na posible raw na nagsindi habang ikinakarga.

Samantala, sinabi ni Santa Maria Bulacan Police chief Police Lieutenant Colonel Christian Alucod, sadyang malayo ang aabutin ng pinsala kapag marami ang nakaimbak na paputok.

“Kapag ganon karami 'yung nakaimbak, kahit anong layo niyan aabutin talaga. Katunayan, dito sa kabilang compound, nandito na 'yung may mga bahay, nakikita ko rito may mga pakete pa rin dito ng mga paputok eh,” sabi ni Alucod.

Kasamang aalamin sa isasagawang imbestigasyon ay kung may ang business permit ng pagawaan.

“Kanina, 'yung taga-Public Information Office ng Santa Maria, Bulacan ay binanggit niya na noon may permit. So ngayon, ibe-verify pa nila, ang alam nila noon may permit ito,” dagdag ni Alucod.

Ayon kay Catipon, bawal ang pagtatayo ng pagawaan ng paputok sa lugar na may mga kabahayan.

“Sa BFP ay walang permit ito, talagang bawal ang pagawaan ng paputok na may katabing mga bahay kaya napakaimposible na magkaroon 'yan ng permit,” pahayag niya.—FRJ, GMA Integrated News