Sa mga isla sa Hundred Islands National Park sa Alaminos City, Pangasinan, agaw-pansin sa mga turista ang maliit na kuweba na may estatwa ng sirena. May sirena nga bang nakita sa lugar kaya naglagay nito sa lugar?
Sa panayam ng Mornings with GMA Regional TV, sinabi ni Miguel Sison, Tourism officer ng Alaminos City, bahagi na ng mga kuwentong Pilipino ang sirena.
Gayunman, ipinaliwanag niya na ang dahilan kung bakit naglagay ng estatwa ng sirena sa isa sa mga isla sa pasyalan ay inspirasyon mula sa kauna-unahang pelikula na "Dyesebel" na kinunan ang mga eksena sa lugar noong 1953.
"Doon po sila nag-shoot. Mayroon silang sinulat sa one of the stones there na it was a year 1953 isinulat," paliwanag ni Sison.
Ang tinutukoy ni Sison na unang pelikulang Dyesebel na ginawa, [na kabilang sa mga nobela ni Mars Ravelo], ay pinagbidahan nina Edna Luna at Jaime de La Rosa.
Ayon kay Sison, bukod sa island hopping, kabilang sa mga aktibidad o atraksyon na maaaring gawin sa Hundred Islands National Park, ay water sports, pilgrimage, diving, zipline, at iba pa.--FRJ, GMA News