Nasawi ang isang menor de edad na rider nang sumalpok ang minamaneho niyang motorsiklo sa isang ATV (all-terrain vehicle) na nagliyab pa sa Laoag City, Ilocos Norte.

Sa ulat ni Jeric Pasiliao sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Miyerkules, sinabing nagtamo ng lapnos sa katawan ang nasawing biktima na si Shernick Asuncion, ng Barangay 33-A La Paz.

Ayon sa pulisya, bukod sa pagkasunog, nagtamo rin ng mga bali sa katawan si Asuncion.

Isinugod siya sa ospital pero binawian din ng buhay.

Sugatan din pero nakaligtas ang driver ng ATV na si Garry Pablo.

Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na may kargang gasolina si Pablo at pagbalik na sa sand dunes nang mangyari ang salpukan ng dalawang sasakyan.

Sa lakas ng banggaan, nagkaroon ng pagliyab dahil na rin sa dalang gasolina umano ni Pablo.

Wala pang pahayag si Pablo, habang nagdadalamhati ang pamilya ni Asuncion na hindi malaman kung saan kukuha ng gagastusin para siya maipalibing.--FRJ, GMA News