Nakilala na ang bangkay ng lalaki na natagpuan sa isang creek sa Tanauan City, Batangas na nakabalot ng tape ang mukha at nakatali ang mga kamay. Napag-alaman na taga-Laguna ang biktima, at dinukot ng tatlong armadong lalaki.
Ayon sa ulat ni Deniece Abante sa GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog nitong Huwebes, kinilala ang biktima na si Arnel de Luna, 25-anyos, isang caretaker na naninirahan sa San Pedro City, Laguna.
Pasado alas-diyes ng gabi nitong October 25 nang dumulog sa Tanauan Police Station ang kamag-anak ng biktima matapos mapanood ang ulat ng GMA Regional TV tungkol sa nakitang bangkay sa creek noong October 24.
“Salamat po sa programa po natin kasi po napanood po nila ‘yung programa regarding po dun sa found cadaver dito sa Barangay Santol, Tanauan,” sabi ni Tanauan Police station Investigator Police Major Aldrin Atienza.
Nakabalot ng masking tape at nakagapos ang mga kamay ng biktima nang matagpuan ito sa creek.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na isinakay si Ignacio ng tatlong armadong lalaki sa isang gray na sasakyan na walang plaka.
“Isinakay po ng three armed male factor carrying unknown caliber. So isinakay po siya sa isang gray na motor vehicle without plate number at nagtungo po sa hindi nila malaman na direksyon,” dagdag ni Atienza.
Kasalukuyan pang nasa punerarya ang labi ng biktima habang inaasikaso ng kaniyang mga kamag-anak ang mga dokumento para maiuwi ito sa Laguna.
“Wala po talaga kasi kaming kapera-pera, nilalakad po namin ‘yung papel niya dito sa Tanauan, Batangas ng munisipyo para po makahingi kami ng tulong sa amin sa San Pedro,” sabi ni Jobert de Luna, kaanak ng biktima.
Nananawagan ng hustisya ang pamilya ni Ignacio sa sinapit ng biktima. Patuloy naman ang imbestigasyon para matukoy kung sino ang mga suspek at ano ang posibleng motibo sa krimen.--Sundy Mae Locus/FRJ, GMA News