Isang kalansay na pinaniniwalaang lalaki ang aksidenteng nahukay nang maglilibing sana ng namatay na biik ang isang trabahador sa isang babuyan sa Batangas. Ang biktima, posibleng 2019 pa nawawala.

Sa ulat ni Denice Abante sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Martes, sinabing nakita ang kalansay sa bakanteng lote ng isang babuyan sa Sitio Aromahan sa Barangay Sto. Toribio sa Lipa City, Batangas.

Ayon sa pulisya, kinukumpirma pa ang pagkakakilanlan sa biktima na tinawag niyang "partially" identified na.

"Partially identified na because yung mga gamit niya lalo na yung dog tag [necklace] at saka yung relo ay nakita namin sa Facebook profile niya. May picure siya doon," sabi ni Police Leiutenant Colonel Ariel Azurin, hepe ng Lipa City Police station.

Kasama ring nakita sa pinaglibingan sa kalansay ang isang pulang jacket, pulang boxers' short, orange brief, at maroon na t-shirt.

Nasa dalawa hanggang tatlong talampakan ang hukay na pinaglibingan sa kalansay na isasailalim din sa DNA examination.

Batay umano sa nakausap ng pulisya na posibleng kaanak ng biktima, sinabi umano nito na 2019 pa ito nawawala.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon kung ano ang tunay na nangyari sa biktima. --FRJ, GMA News