Inaresto ang isang pari sa Cagayan Valley na ilang beses umanong nangmolestiya sa isang 16-anyos na dalagita at nagbanta pang ikakalat ang kanilang maselang video kung tatanggi sa kagustuhan nito.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, makikita ang pagharang ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation - Cagayan Valley Regional Office sa sasakyan na minamaneho ng suspek na si Father Karole Reward Israel.
Pinababa at dinakip ang pari dahil sa reklamo ng biktimang dalagita. Ayon sa biktima, tinatakot siya ng suspek na ia-upload ang kanilang mga pribadong video na patago umanong kinunan ng suspek, kung hindi siya papayag sa gusto nito.
Batay sa imbestigasyon, nagkakilala ang pari at ang biktima sa isang simbahan sa Solana, Cagayan, at palihim umanong niligawan ng pari ang menor de edad na babae.
Ayon kay NBI Deputy Spokesperson Atty. Gertrude Paris Manandeg, nangyari ang pangmomolestiya umano ng pari sa biktima ng aabot sa 20 beses sa iba't ibang lugar.
Base pa sa pahayag ng biktima, may pagkakataon na nangyari rin umano ang pananamantala ng suspek sa loob mismo ng kumbento.
May nakita rin umano ang mga awtoridad ng files at videos na kasama ng suspek ang pito pang biktima na ginawan din ng kahalayan.
"Ibig sabihin hindi lang po ang ating biktima'yung naging sangkot sa posibleng pananakot nitong subject," sabi ni Manandeg.
Naging emosyonal ang pamilya ng dalagita nang matuklasan ang pang-aabuso ng pari sa kanilang anak.
Sinubukan ng GMA News na kunan ng pahayag ang nadakip na pari matapos na makapagpiyansa, pero wala pa rin siyang tugon.
Kinumpirma naman ng Archdiocese of Tuguegarao sa isang pahayag na pari nila ang suspek, na tinanggalan na nila ng priestly duties sa kanilang parokya habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Handa rin ang archdiocese na makipagtulungan sa mga awtoridad at magpaabot ng tulong sa biktima kapag napatunayan ang alegasyon. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News