Naiuwi na sa Malita, Davao Occidental ang mga labi ng isang babae na natagpuang patay at may sugat sa ulo sa tinutuluyan niyang boarding house sa Angeles City, Pampanga.
Ayon sa ulat ni RGil Relator sa GMA Regional TV News nitong Martes, sinabing dumating sa Davao Occidental noong Sabado, October 22, ang mga labi ni Mary Grace Sebu, 36-anyos, sakay ng Philippine Air Force aircraft.
Oktubre 16 nang madiskubre ng ibang nangungupahan sa boarding house sa Barangay Balibago sa Angeles City, Pampanga, ang bangkay ni Sebu dahil nagsisimula na itong magdulot ng masangsang na amoy.
Ayon sa pulisya, ilang araw nang patay ang biktima na nagtatrabaho bilang waitress bago natagpuan ang kaniyang katawan.
“Medyo in [a state] of decomposition na. Medyo nangangamoy na noong nadiskubre.Nakasarado ‘yung pintuan ng kuwarto niya kaya nila kinakatok. Noong hindi siya nagre-respond, saka nila pinuwersang buksan,” sabi ni Angeles City Police Station 4 Chief Major Christopher Lalic.
Base sa resulta ng medico legal sa labi ng biktima, mayroon siyang sugat sa ulo na naging dahilan ng kaniyang pagkamatay. Isinailalim din sa awtopsiya ang nasabing bangkay.
Hindi inaalis ng pulisya ang anggulo na maaaring ginahasa bago pinatay ang biktima, ayon sa ulat.
Nitong Lunes ng hapon, nailibing na si Sebu. Humingi naman ng hustisya ang kaniyang pamilya sa kaniyang pagkamatay. --Sundy Mae Locus/FRJ, GMA News