Isang bumbero ang nasawi matapos na bumangga ang minamaneho niyang motorsiklo sa isang tricycle na nasa kaniyang unahan sa Mangaldan, Pangasinan.

Sa ulat ni Joan Ponsoy sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Fire Officer 1 Jerby Sabala, residente ng San Fabian, at nakatalagang bumbero sa Dagupan City Fire Station.

Ayon sa pulisya, tinatahak ni Sabala ang national highway sa bahagi ng Barangay Pugo sa Mangaldan nang mangyari ang trahediya.

Batay umano sa pahayag ng ilang saksi, may isa pang kasamang motorsiklo si Sabala na unang nakalusot sa tricycle na nauuna sa kanila.

Gayunman, nang si Sabala na umano ang susunod, bumangga ito sa tricycle na dahilan ng kaniyang pagtilapon at tumama ang ulo sa kalsada.

Ayon sa pulisya, walang suot na helmet ang biktima.

Sinabi rin umano ng kasama ni Sabala na galing sila sa inuman at pauwi na nang mangyari ang insidente.

Tumanggi umano ang mga kaanak ng biktima na magbigay ng pahayag habang patuloy ang imbestigasyon, ayon sa ulat. --FRJ, GMA News