Higit 30 bata sa Cuenca, Batangas, kabilang ang ilang estudyante ang tinamaan ng Hand-Foot-and-Mouth Disease (HFMD). Klase sa elementarya at high school, sinuspinde para sa isasagawang disinfection.
Sa ulat ni Andrew Bernardo sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog", nagtungo ang Sanitation team of Municipal Health Office (MHO) ng Cuenca sa Dr. Ananias Chavez Memorial School sa Barangay San Isidro at nagsagawa ng disinfection sa lahat ng classrooms.
Ayon sa MHO, sa naturang paaralan unang naitala ang kaso ng HFMD sa bayan.
"Marami siyang rashes, nilalagnat ang iba, inuubo saka sinisipon," wika ni Gina Lunar, isang midwife, tungkol sa mga pasyente.
Ayon kay Pablito Hernandez, sanitation inspector, ang kaparehong prevention and control method ang kanilang ginagamit sa pagsugpo sa virus gaya ng ginamit sa COVID-19.
Sinabi ng guro na si Manielyn Ebite, kaagad niyang tinawagan ang magulang ng estudyanteng nakitaan ng sintomas ng sakit para mapauwi na at hindi na muna pinapasok.
May isa pang Grade 1 pupil na hinihinalang tinamaan ng virus na mga rashes sa kamay pero wala umanong lagnat.
Sa tala ng MHO, anim na eskwelahan ang nakitaan ng kaso ng HFMD sa Cuenca. Umabot daw sa mahigit 30 bata ang tinamaan nito mula sa pitong barangay sa bayan.
Kaugnay nito, sinuspinde ng lokal na pamahalaan ang klase sa elementary at high school sa pribado at pampublikong paaralan sa lugar.
“So we are alert, preventing, para maiayos na, mas mahirap na yung mauna ang pagsisisi, bakit 'di agad?” pahayag ni Mayor Alexander Magpantay.
Dagdag pa niya, naka-isolate na ang mga batang tinamaan ng sakit at naglaan na rin sila ng dagdag pondo kung sakaling dumami pa ang kaso sa bayan.
Sa ngayon, wala pa raw balak ang lokal na pamahalaan na magdeklara ng outbreak. Nakapag-disinfect na rin daw sa walong Barangay sa Cuenca kasama ang Barangay Emmanuel na nakitaan ng pinakamaraming kaso.
Target ng LGU na ma-disinfect ang halos 20 paaralan bago matapos ang linggo para sa kaligtasan ng mahigit 7,000 estudyante at mahigit 30,000 populasyon sa bayan.
Kasabay nito, sinabi sa ulat na kinumpirma ng health officer ng Batangas City, na may kaso na rin sila ng HFMD. Umabot umano ito sa mahigit 90 kaso mula sa 18 barangay sa lungsod.
“Wala talagang specific na masasabi kasi viral nga siya. So, as to kung ano talaga ang first souce ‘yun ang mahirap ng ma-identify kung saan, nagkaroon na siya ng transmission," paliwanag ni Dr. Rosanna Barrion, City Health Officer II.
Nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang Department of Health-CALABARZON dahil mataas umano ang mga naitalang kaso sa lalawigan.
Ipinauubaya na rin nila sa bawat lokal na pamahalaan ang pagdedeklara ng outbreak habang pinaiigting information dissemination ng DOH ukol sa HFMD.
“Personal hygiene ng mga bata, cough etiquette, disinfection ng mga surfaces na madalas mahawakan, katulad ng door knob, tsaka mga gamit, tsaka paghuhugas before and after eating and after using the toilet," payo ni Dr. Voltaire Guadalupe mula Regional DRRM-H DOH-CALABARZON sa publiko.--Sherylin Untalan/FRJ, GMA News