Nasagip ang 36 na babae na biktima umano ng human trafficking sa magkahiwalay na operasyon sa isang bayan sa lalawigan ng Bulacan.
Iniulat ni John Consulta sa Unang Balita nitong Miyerkules na nasagip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) district office ang 25 mga babaeng biktima sa isang resto grill sa bayan ng Bocaue.
Naaaresto naman ang limang bugaw sa unang establisyimento na target ng operasyon, at hindi pa nakunan ng pahayag ng media.
Pahayag ng NBI-Bulacan, sa halagang P1,000 may kakaibang alok ang establisyimento sa kanilang mga parokyano, at ipina-package na sa drinks ang mga babae.
Samatala, sa hiwalay na operasyon sa bayan pa rin ng Bocaue, nasagip ang 11 babae sa isang spa na nagbibigay umano ng "extra service" sa mga kliyente, at naaresto ang dalawang umano'y bugaw.
Sasampahan ng reklamo ang mga naarestong suspek sa paglabag ng Expanded Anti-Trafficiking Act, ayon sa NBI. —Jamil Santos/LBG, GMA News