Nasawi ang alkalde ng Marilao, Bulacan na nasa ikalawang termino makaraang bumangga sa poste ng kuryente ang sinasakyan niyang SUV sa Pampanga.
Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Lunes, sinabing binawian ng buhay si Mayor Ricky Silvestre, ilang oras matapos siyang isugod sa ospital.
Dinala rin sa pagamutan ang sekretarya at driver ng alkalde sa kasama niya sa SUV. Nakalabas na ng pagamutan ang sekretarya, pero hindi pa ang driver.
Ayon sa pulisya, nangyari ang sakuna sa loob ng Clark Freeport Zone. Mayroon umanong dadaluhang pulong ang alkalde sa lugar.
Sa paunang imbestigasyon, lumilitaw na mula sa kabilang linya ay gumewang ang sasakyan ng alkalde at bumangga sa poste.
Sa lakas ng pagbangga, nawasak ang harapan ng SUV, at natumba ang poste ng kuryente.
Wala namang daw nakita ang mga awtoridad na sumabog na gulong ng sasakyan na maaaring naging dahilan ng aksidente.
Hindi pa raw nakakausap ng mga awtoridad ang driver para alamin kung ano ang nangyari.
Nasa pangalawang termino si Sivestre bilang alkalde. Bago nito, tumagal ng 11 taon ang pagsisilbi niya bilang dating punong barangay.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang mga kaanak ng alkalde, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News