Inireklamo ng isang siklista ang kapwa niya siklistang nagpainom daw sa kaniya ng maruming tubig sa isang kumpetisyon sa Bacolod City, ayon sa ulat ng Unang Balita mula sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Miyerkules.
Sa video, makikita ang pagdaan ng siklistang si Kylie Nicole Montecado, na lumahok sa isang cross country race competition nitong weekend.
Makikita rin na binigyan si Montecado ng tubig ng isang lalaking siklista at ininom niya ito. Kita rin na ibinuhos niya ang tubig sa likod niya pagkatapos uminom.
Napag-alaman na ang tubig pala ay galing sa isang sapa kung saan may nakalublob pang mga kalabaw.
Hindi raw sumama ang pakiramdam ni Montecado matapos inumin ang tubig pero magpapa-checkup siya para makasiguro.
Plano naman ng pulisya na ipagharap ang dalawang panig para mag-usap.
Pinuntahan ng GMA News ang bahay ng inirereklamong lalaki pero wala raw ito doon.
Nilinaw ng organizer na hindi kasali sa kumpetisyon ang grupong kinabibilangan ng lalaking nagbigay ng tubig.
Kinondena naman ng Health and Sanitation Committee ng Bacolod City Council ang nangyari at nais itong paimbestigahan. —KBK, GMA News