Patay sa pananambang ang dating vice mayor ng Dipaculao, Aurora. Ang kaniyang asawa at driver, kasama niyang nasawi sa sasakyan.
Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "One North Central Luzon," kinilala ang mga biktima na si dating vice mayor Narciso Amansec, ang asawa niyang si Melinda, at driver na si Leonard Calusa.
Sakay ang mga biktima ng isang pulang pickup truck na nakitang may mga tama ng bala ng baril at nakatigil sa kalsada sa Barangay Dibutunan.
Ayon sa pulisya, binuo na ang Special Investigation Task Group na tututok sa kaso.
Sa inilabas na pahayag ng pamilya sa social media, humiling sila na bigyan muna sila ngayon ng panahon na magluksa.
"We appreciate your concern po and we thank you for reaching out. In as much as we want to answer, we would like to keep our mourning privately for now. Please do understand that we are also in state of shock. Salamat po sa pang unawa," bahagi ng kanilang pahayag.
Kinondena naman ni Aurora Governor Christian Noveras ang krimen. Iginiit niya na walang puwang sa lalawigan ang naturang uri ng karumal-dumal na krimen.
Patuloy pa ang imbestigasyon para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin at motibo sa krimen.--FRJ, GMA News