Sa halip na nakasuot ng school uniform, pumasok sa paaralan ang mga estudyante na nakasuot ng pantulog para sa "Nap Day Challenge" sa Minalabac, Camarines Sur.
Sa ulat ni Jessie Crusat sa Regional TV News nitong Martes, sinabi ng mga opisyal ng Minalabac National High School, na layunin ng "Nap Day Challenge" na mapangalagaan ang mental health ng mga estudyante.
"Yung ginagawa namin hindi lang siya basta activity o trip-trip lang sa mga bata. May purpose din siya, ang pinaka-purpose o ang pinakalayunin ng activity namin ay yung magkaoon sila ng time para mag-rest, yun ang pinaka-importante, yung ma-improve yung kanilang mental health," paliwanag ni Robert Periarce, SSG Adviser, Minalabac NHS.
Sa loob ng isang oras, binigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral na matulog sa loob ng kanilang silid aralan sa oras ng lunch break.
"Kasi na feel namin na parang effective siya sa mga estudyante dahil nakapagpahinga sila kahit konting oras. After kasi no'n 'pag 1:00 pm parang mas excited silang magklase na dahil nakapagpahinga na sila," sabi naman ni Nerio Melano Sibulo III, Principal I, Minalabac NHS
Para sa mga eksperto, malaking bagay sa mental health ng mga estudyante ang pahinga o "power nap" sa pagitan ng school activity.
"Kung nakuha nila yung tamang power nap na tinatawag, yung tama talagang sleeping time na maigli lang, puwede talagang maging maganda yung activity o yung energy ng bata pagdating sa hapon. Mas active din siya sa thinking," paliwanag ni Dra. April Pasilaban-Romulo, Municipal health officer.--FRJ, GMA News