Patay ang isang magtiyuhin matapos umanong makuryente habang namimitas ng gulay sa Mulanay, Quezon.
Sa ulat ng GMA Regional TV Southern Tagalog ni Nikko Sereno sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing natagpuan ang bangkay ng dalawang biktima sa bulubunduking parte ng Barangay Sta. Rosa sa bayan ng Mulanay noong Miyerkules.
Kinilalang ang mga biktima na sina Fabian Bia at Sherwin Mediavilla.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, maaaring nakuryente ang mga biktima sa nakalaylay na live wire sa lugar.
“Eh may mga wirings du'n na nakakalat dala ng bagyo nu'ng mga nakaraang ulan, natumbang poste eh hindi na-check,” ayon kay Police Captain Joseph Ian Java, hepe ng Mulanay Police Station.
Ayon sa ulat, magsasaka ang mga biktima. Nagpaalam umano ang dalawa sa mga kaanak na aakyat sila ng bundok. Hindi na sila nakauwi sa kanilang bahay.
Ini-report naman ng isang concerned citizen sa pulisya na may nakita siyang mga bangkay sa nasabing lugar sa Barangay Sta. Rosa.
Agad na natunton ng mga awtoridad ang bangkay ng dalawa.
Isinailalim na umano sa awtopsiya ang mga bangkay ng magtiyuhin, ayon sa ulat.
Pinaalalahanan naman ni Java ang mga residente na huwag galawin ang mga nakalaylay na wire sa lugar upang maiwasang makuryente.
Sinusubukan pa ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog na makausap ang pamilya ng dalawang biktima. —GMA News