Arestado sa entrapment operation ang dalawang babae, kabilang ang ina ng limang-araw na gulang na sanggol, na tinangka raw ibenta sa halagang P40,000 sa Iloilo City.
Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV News nitong Huwebes, kinilala ang mga dinakip na sina Anna Agustin, 53-anyos, at ang ina na si Edilyn Pendon, 29, parehong taga-Molo.
Ayon kay Major Jess Baylon, hepe ng Criminal Investigation Detection Group (CIDG-6), magkasabwat umano sina Agustin at Pendon para maibenta ang sanggol na nasa pangangalaga na ngayon ng Department of Social Welfare and Development.
Inihayag ng mga awtoridad na may natatanggap silang impormasyon tungkol sa mga ilegal na gawain ni Agustin, kabilang na ang pagtulong sa mga nais magpalaglag ng anak o abortion.
Sinabi ni Baylon, na nakipagtransaksiyon ang kanilang mga operatiba sa mga suspek kung papaano mabibili ang sanggol.
Nitong Miyerkules, ikinasa ang entrapment operation sa bahay mismo ni Agustin.
Nakita rin sa umano ng mga awtoridad sa cellphone ni Agustin ang mga mensahe ng iba nitong mga katransaksyon.
Lumilitaw sa mga mensahe na hindi pa man naisisilang ang sanggol ay mayroon na umano itong buyer.
Sinabi naman ni Agustin na tumutulong lang siya sa mga magulang na nais ipaampon ang anak.
Mismong mga magulang din umano ng sanggol ang lumalapit sa kaniya.
Ipinaliwanag niya na siya rin ang nagdadala sa ina sa lying in para doon manganak dahil walang pera ang magulang.
Depensa naman ng ina ng sanggol, bagaman nais niyang ipaampon ang kaniyang sanggol, hindi raw niya alam na ibebenta ito ni Agustin.
Mahaharap ang dalawa sa reklamong paglabag sa Republic Act 9208 o ang Anti-Trafficking in Persons Act at Republic Act No. 7610, o Anti-Child Abuse Law.--FRJ, GMA News