Isang estudyanteng 21-anyos ang nasawi matapos sumalpok ang minamaneho niyang motorsiklong sa isang SUV na nagmamaniobra sa kalye sa Vigan City, Ilocos Sur.
Sa ulat ni Ivy Hernendo sa GMA Regional TV "One North Central Luzon" nitong Miyerkules, kinilala ang biktima na si Sheikh Imran Ngannoy.
Sa kuha ng CCTV camera sa bahagi ng Quirino Blvd. sa Barangay Tamag, makikita ang puting SUV na nagmamaniobra sa kalye.
Pero maya-maya lang, sumalpok na ang motorsiklong minamaneho ni Ngannoy sa SUV.
Ayon sa pulisya, nagtamo ng matinding pinsala sa dibdib at ulo ang rider na sanhi ng kaniyang pagkamatay.
Naiuwi na sa Nueva Vizcaya ang kaniyang mga labi.
Inihayag naman ng ama ng biktima na si Ghulam Rasol, na nakausap na niya ang babaeng driver ng SUV at hindi na sila magsasampa ng reklamo kaugnay sa nangyari.
Sa kabila ng nangyari, inihayag ng pulisya na bumaba ang naitatalang aksidente sa lalawigan.
Kadalasan na human error ang sanhi umano ng sakuna gaya ng mga nakainom ng alak at inaantok sa pagmamaneho.--FRJ, GMA News