Lumabas sa imbestigasyon at DNA test na isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) na ang 22-anyos na Jovelyn Galleno, na unang iniulat na nawawala, ang nakitang kalansay sa isang masukal na lugar sa Puerto Princesa City, Palawan.
Nagsagawa ng hiwalay ng imbestigasyon ang NBI sa mga buto na unang nakita ng mga pulis dahil sa pagkakaroon ng alinlangan ng mga kaanak ni Galleno. Masyado umanong mabilis na naging kalansay ang mga labi ng biktima.
Nang makita ang mga kalansay sa Barangay Pulang Bato sa Puerto Princesa, mahigit dalawang linggo pa lang noon na nawawala si Galleno, na huling nakita buhay nang pumasok sa trabaho sa isang tindahan sa loob ng mall.
Ayon kay NBI spokesperson Atty. Giselle Dumlao, nagsagawa sila ng hiwalay na imbestigasyon sa crime scene noong August 27.
Noong September 1, kumuha ang kanilang forensic team ng DNA sample para ikumpara sa mga nakitang buto. Tumagal ng 13 araw bago lumabas ang resulta.
“The result became available on September 12, 2022 and the result revealed that the DNA profile from the skeletal remain matches with Jovelyn Galleno, based on the profile from its reference or biological parents with a 99.99% probability of relationship,” ani Dumlao.
“Sa kadahilanan na wala namang ibang anak ang mag-asawa na nawawala o namatay, maliban kay Jovelyn, masasabi natin na ito ay si Jovelyn Galleno,” dagdag pa ng opisyal.
Una rito, inihayag din ni Puerto Princesa Police spokesperson Police Captain Maria Victoria Iquin, noong nakaraang buwan na 99.9% match din ang resulta ng kanilang DNA examination sa kalansay at swab sample mula sa ina ng biktima.
Ang mga pinsan ni Galleno na sina Leobert Dasmariñas at Jovert Valdestamon ang mga suspek sa krimen, na sinampahan ng reklamong rape with homicide.
Sa nakaraang ulat, iginiit ni Valdestamon na wala siyang kinalaman sa krimen at patutunayan niya sa korte na inosente siya.
Nakapagpiyansa naman si Dasmariñas pero tumanggi umano ito at ang kaniyang pamilya na magbigay ng pahayag.— FRJ, GMA News