Nagsimula nang umarangkada sa mga kalye sa Bacolod City ang mga modern jeepney na may aircon. Dahil dito, hindi maiiwasan na mayroon na ng kakompitensiya sa mga pasahero ang mga tsuper ng traditional jeepney.

Sa ulat ni Adrian Prieto sa GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing nag-viral kamakailan sa social media ang naging sagutan ng mga tsuper ng dalawang uri ng pampasaherong sasakyan.

Ang itinuturong ugat ng sagutan ang umano'y pick- up points at ruta ng modernong jeep.

Kasamang naabala dahil sa sagutan ng dalawang tsuper ang mga pasahero ng modernong jeep.

Dahil sa insidente, inatasan umano ni Mayor Albee Benitez ang mga traffic authorities at pulisya na bantayan ang mga posibleng hindi pagkakaunawaan ng mga tsuper ng dalawang uri ng jeepney sa kalsada.

Pakiusap ng mga tsuper ng mordenong jeep, huwag naman sana silang pag-initan sa kalsada ngayong pinapayagan na silang pumasada.

Pero kahit may mga modernong jeep na, papayagan pa rin namang bumiyahe ang mga tradisyonal na jeepney.

Iminungkahi naman Negros-Bacolod Transport Coalition na magkaroon ng route plan para sa mga modern jeepney para miwasan ang agawan ng mga pasahero sa ruta. --FRJ, GMA News