Sa halip na magbayad, tinangay ng isang lalaki ang galon-galong gasolina na kaniyang pinakarga na aabot sa P10,000 ang halaga sa isang gasolinahan sa Bacolod City.

Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas, na mapapanood sa GMA News Feed, inilahad ng gasoline boy na nagpakarga ang lalaki ng limang tig-50 na litrong container na nasa likod ng kaniyang sasakyan.

Habang pinupuno ng gasoline boy ang huling dalawang container, sinabi umano ng suspek na paiikutin lamang nito ang sasakyan.

Pero sa halip na paikutin ang kotse, humarurot ang suspek palayo, na tumakas na pala.

Wala nang nagawa ang gasoline boy kundi panoorin ang pagharurot ng kotse.

Ayon sa blotter ng Bacolod Police, nasa P10,000 halaga ng diesel ang naitakas ng suspek.

Lumabas pa sa imbestigasyon na may iba pang gasolinahang nabiktima ng kaparehong modus ng lalaki.

Natangay naman ng suspek ang nasa tig-100 litro ng gasolina sa iba pang gas stations sa lungsod.

"Bale may cases na nambibiktima siya, may ginagamit siyang pangalan at sinasabi niyang allowed siyang magpagasolina rito pero wala. Mga may 10 beses siguro na cases siyang nag-attempt," sabi ni Marisen Gasilao, empleyado ng gasolinahan.

Muling nagpaalala ang mga awtoridad sa mga gas station na singilin muna ang customer na nagpapagasolina bago kargahan ang sasakyan o mga container.

Maigi ring maglagay ng CCTV para mas madaling matunton ang mga salarin.

Patuloy ang imbestigasyon kaugnay ng pagkakakilanlan ng lalaking nakuhanan ng video.--Jamil Santos/FRJ, GMA News