Iniimbestigahan ang nangyaring pagkamatay ng isang buntis na 16-anyos na tinulungan ng isang midwife o kumadrona na manganak sa bahay sa Lapu-Lapu City, Cebu.
Sa ulat ni Lou-Anne Mae Rondina ng GMA Regional TV News nitong Huwebes, sinabing pumanaw ang menor de edad na si Mary Grace Cabreros noong nakaraang Agosto, isang oras matapos manganak sa bahay sa tulong ng midwife na si Elisa Vergara.
Ayon kay Lapu-Lapu City Health Officer Dr. Agnes Cecil Realiza, isang licensed midwife si Vergara, na dating empleyado ng city health office.
Gayunman, sinabi ni Realiza na ipinagbabawal na ang mga home delivery o panganganak sa bahay.
"All delivery should be done in a facility," sabi ni Realiza.
Sa isang panayam, inihayag ni Vergara na una niyang tinanggihan ang pagpapaanak kay Cabreros, at sinabihan ang mga kamag-anak nito na dalhin si Cabreros sa ospital.
Pero wala umanong pera ang pamilya na gagastusin sa ospital.
Sinuportahan ng kamag-anak ng kinakasama ni Cabreros, na tumulong din sa pagpapaanak, ang pahayag ng midwife.
Napag-alaman naman na may dalawa pang tinulungan ang midwife sa panganganak na nagkaroon din umano ng aberya.
Kuwento ng isang ina na humiling na huwag siyang pangalanan, tinulungan siya ni Vergara sa pagpapaanak ng dalawang beses sa isang birthing center.
Pero nang isilang niya ang pangatlo niyang sanggol sa bahay sa tulong pa rin ni Vergara, binawian ito ng buhay.
Gayunman, nilinaw ng ginang na walang pagkukulang si Vergara.
Ayon naman kay Ingrid Rojas, nurse ng Lapu-Lapu City Health Office, may isa pang ina na tinulungan si Vergara na manganak, pero binawian din ng buhay.
"Tumanggi sila (magsampa ng kaso) dahil kagustuhan daw nila nang tawagan nila si Ma'am Lisa [Vergara]. Kaya't hindi natin sila mapipilit," sabi ni Rojas.
Patuloy naman ang imbestigasyon tungkol sa nangyari kay Cabreros.--Jamil Santos/FRJ, GMA News