Pinagbabaril at napatay ang tatlong magkakaibigan na sinasabing may dalang P7.5 milyon sa Estancia, Iloilo. Ang nag-iisa nilang kasama na nakaligtas, itinuturing "person of interest" sa ngayon ng pulisya.

Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV nitong Huwebes, kinilala ang mga biktima na sina John Paul Mark Bosque, Chrysler Floyd Fernandez, at Mark Clarence Libao, na pawang taga-Iloilo City.

Nakaligtas naman si Jebron Parojinog, na taga- Estacia at siyang nagmamaneho ng kanilang sasakyan.

Nangyari ang krimen noong Miyerkules ng madaling araw sa Barangay villa Panian, at galing umano sa bahay ni Parojinog ang grupo sa Barangay Calumpang.

Kuwento umano ni Parojinog, may nakita silang mga tao na naghihintay sa kalsada sa pinangyarihan nang krimen, na kilala umano ni Bosque.

Kinompronta umano ng isa sa mga nakita nilang tao sa daan si Bosque, at pagkatapos ay binaril.

Sunod na binaril umano si Libao. Tinangka naman daw ni Fernandez na tumakbo pero nadapa umano ito at binaril din ng mga salarin.

Tanging si Parojinog ang nakaligtas at nakalayo sa lugar.

"May katransaksiyon sila na parang magbabayad sila ng utang nila. Sa latest update, may recoveries pa nga doon sa sasakyan na counting machine ng pera," ayon kay Colonel Adrian Acollador, Provincial Director, IPPO.

Ayon pa sa pulisya, sinabi ni Parojinog na nanghiram sa kaniya si Bosque ng P7.5 milyon. Ang P1.5 milyon ay ibabayad daw nito sa utang sa online sabong.

Walang umanong nakitang pera sa pinangyarihan ng krimen ang mga awtoridad.

"Most likely kilala nila ang suspek kasi sila ang nag- confirm na may mangyayaring bayaran," ani Acollador.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad at sa ngayon ay itinuturing person of interest si Parojinog, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News