Pinaghahanap ng mga awtoridad ang isang lalaki na umano'y bumaril at pumatay sa kaniyang kinakasama sa Balanga, Bataan.
Sa ulat ni CJ Torrida sa GMA Regional TV "One North Central Luzon," kinilala ang biktima na si Regine Austria Ebueng, 33-anyos.
Suspek sa krimen ang tumakas na kinakasama ng biktima na si Aldrin Soriano, 40-anyos.
Ayon sa pulisya, nangyari ang krimen sa inuupahang apartment ng dalawa. Matinding selos ang hinihinalang ugat ng krimen.
Kuwento ng ina ng biktima, matagal na raw nagsusumbong ang kaniyang anak tungkol sa madalas nilang pag-aaway ng suspek.
"Nagseselos po. Pinag-iisipan yung anak ko ng kung anu-ano na kesyo may lalaki. Kasi ayaw na pong makisama ng anak ko dahil yung huli po bagong ospital yung anak bingubog na naman po siya kaya inatake sa puso," sabi ng ginang.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nakarinig na lang umano ang putok ng baril ang mga kapitbahay ng dalawa matapos silang mag-away.
Patuloy na hinahanap ang suspek at inaalam din kung totoo na sangkot ito sa kalakaran ng ilegal na droga. --FRJ, GMA News