Gumawa ng isang basket na ginagamitan ng pulley ang isang jeepney driver sa Batangas City para sa pangongolekta ng mga bayad at hindi na mag-away-away ang mga pasahero sa pag-aabot ng kani-kanilang pamasahe.

Sa ulat ng Saksi na batay sa report ng GMA Regional TV Balitang Southern Tagalog, sinabing ito ang diskarte ng jeepney driver na si Jayson Rayos.

Pre-pandemic pa raw niya binuo ang "jeepline" o ang tawag niya sa kanayang imbensyon, kung saan pinaiikot niya na lang ang pulley para ang basket na ang lumapit sa pasahero.

"'Yung mga pasahero, hindi magkaabutan, at hindi mag-away-away sa loob. Umuwi ako, ginawa kong ganito," sabi ni Rayos.

Nakatulong din ang "jeepline" sa pagbawas ng piskal na contact sa gitna ng pandemic.

Dahil dito, maiiwasan na ang tampuhan ng mga pasahero sa hindi pag-aabot ng bayad, at hindi na rin mahihirapan dahil diretso na sa pasahero ang sukli. —LBG, GMA News