Laking tuwa ng mga residente sa isang barangay sa Concepcion, Iloilo nang mapadpad sa baybayin ang sandamakmak na isdang tamban.

Sa ulat ng GTV "State of the Nation" nitong Miyerkules, sinabing umabot sa 50 banyera ang napuno ng mga tamban na walang kahirap-hirap na nahuli ng mga residente sa Barangay Tambaliza.

Bukod sa may pang-ulam, naibenta raw ng mga residente ang nahuli nilang mga isda.

Paliwanag naman ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), posibleng may hinabol na pagkaing plankton ang mga isda kaya napadpad sa mababaw na bahagi ng dagat.

Sa ngayon ay may debate umano kung sapat ba ang suplay ng tamban sa bansa na ginagawang sardinas. --FRJ, GMA News