Nasawi ang magkaibigang sakay nang motorsiklo nang bumangga sila at pumailalim sa kasalubong na truck sa Batangas City. Ang isang biktima, nakatakda sanang magdiwang ng kaarawan.

Sa ulat ni Denice Abante sa GMA Regional TV "Balitang Southern Tagalog" nitong Lunes, kinilala ang mga nasawi na sina Paolo Miguel Aquino Serapin, 20-anyos, rider ng motorsiklo, at angkas niyang si John Paul Noche, 27.

Kapuwa residente rin ng nasabing lungsod ang dalawang biktima na magkatrabaho.

Ayon sa pulisya, napunta ang motorsiklo sa linya ng kasalubong na truck kaya nangyari ang salpukan sa bahagi ng Barangay San Isidro.

Sinabi ng isang residente na madalas ang aksidente sa lugar dahil sa pakurba at pababa ang daan.

Inihayag ng kaanak ni Serapin na nakatakda sana itong magdiwang ng kaarawan bukas.

Nakikipag-uganay na umano ang driver ng truck sa pamilya ng mga namatay sa aksidente.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang kaanak ni Noche, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News