Inararo ng isang truck ang isang tricycle at isang motorsiklo sa Tumauini, Isabela na nagresulta sa pagkasawi ng anim katao, kabilang ang isang sanggol.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Balug.

Kinilala ang mga nasawi na sina, Arnel Menor, 37-anyos; Diana Rose Menor, 36; Ernesto Caronan, 71; Elma Coronan, 64; Prince Andrian, 6 na buwan; at Kuldip Signh, 38.

Sugatan naman ang driver ng truck na si Oliver Zamora, na batay umano sa pagsusuri ng duktor ay nasa impluwensiya ng alak.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sinabing magkasunod na binabagtas ng tricycle at motorsiklo ang kalsada pero napunta sa kanilang linya ang truck.

Sinusukan pang makuhanan ng pahayag ang kaanak ng mga biktima, at ang driver ng truck, ayon sa ulat.

Samantala, isang rider at dalawa niyang kasamang babae ang nasawi matapos silang sumalpok sa truck sa Barangay Tumana East sa Rosales, Pangasinan.

Kinilala ang mga nasawi na sina Arnel Sampitan, Alexis Mae De Guzman at Mary Anne Costales.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, na nag-overtake umano ang rider sa isang tricycle at hindi nito napansin ang paparating na truck sa kabilang linya.

"Hindi niya napansin na parating ang truck. Noong iniwasan niya yung truck, yung truck [driver], nakita rin yung [rider] na umiwas, kinabig niya pakaliwa na kung saan yung motor ganoon din ang nangyari kaya nagsalpukan silang dalawa," ayon kay Police Major Hermino Olivares, hepe, Rosales Police Station.

Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa driver ng truck.--FRJ, GMA News